Bakit?

by raince

Bakit ka ba ganyan?

Kapag tinatawag mo ako,

Hindi pangalan ang panghuli mo ng atensyon

Pero napansin ko rin na mas “ako”

Ang mga katagang ito

 

Bakit ba ako ganito?

Lagi akong matagal na naghihintay

Binibilang ang minuto habang bilad sa araw

Nang maalala ko na balot ka pala ng mga bituin

Dahil nauna kang sumakay kesa sakin sa kamay ng orasan

 

Bakit ba ganito ang mundo?

Patuloy pa ding umiikot

Hindi man lang tumigil kahit saglit

Gusto ko lang naman na mapag-isa

Kahit isang sigundo ang oras nating dalawa

 

Bakit ba ganito ang realidad?

Sa bawat panaginip, sinasampal ako

Ginigising

Niyayanig

Binibuhusan ng tubig

Hanggang sa malunod ako

At di na makahinga

 

Bakit ba ganito ang umasa?

Para akong nakalambitin sa itaas

Mahirap kumapit, nakakangalay

Pero mas masakit kapag bumitaw

Lalo na kapag wala naman palang sasalo

 

Teka, bakit ba kase puro ako tanong?

Kahit alam ko naman na walang ibang sagot

Maliban sa iyong mga salitang wala namang laman

Pero sobrang bigat pa din

Sa sobrang bigat, namamanhid ako

At di nararamdaman ang sakit

 

Kaya ayon, kapit lang

Matagal pa naman siguro bago ako mangalay

At siguro, sa matagal na panahon na iyon

Kapag ako bumagsak na nang tuluyan,

Alam kong may sasalo

At yayakapin din ako nang mahigpit

Ng matipuno mong mga braso

 

 

Advertisements